LUNGSOD NG MALOLOS – Tumanggap ng ikatlong karangalan sa isa
sa 12 kategorya ng First Lego League (FLL) Food Factor World Festival na
isinagawa sa Estados Unidos ang koponang Bulakenyo na kumatawan sa bansa.
Ang ikatlong karangalan sa Project Presentation category ng
FLL ay iniuwi ng koponang Blue Ocean 10 ng Dr. Yanga’s Colleges
Incorporated (DYCI) na naka-base sa
Barangay Wakas Bocaue, Bulacan noong nakaraang linggo.
Ito ay sa pamamagitan ng kanilang nilikhang anti-botcha
machine o Meat Anti-Germ Inspection Solution 2.0 (Magis 2.0) na may kakayahang
matukoy ang sirang karne.
Bilang isa sa 12 kategorya ng FLL, ang project presentation
ay nilahukan ng mga 40 koponan mula sa Canada at Estados Unidos, at dagdag pang
40 koponan mula sa Australia, Europa, Asia, Africa, at South America.
“We didn’t win the championship, but we made it in the major
category,” ani Michael Yanga, ang director ng DYCI.
Ang unang dalawang koponang nagwagi sa project presentation
category ay ang Mindstorm Masters at Team Nexus na kapwa nagmula sa Estados
Unidos.
Ayon kay Yanga, ang karangalang tinanggap ng DYI Blue Ocean
10 ay isang malinaw na pagkilala sa kakayahan ng mga Pilipino.
Ikinuwento niya na sa oras ng paligsahan, ipinakita ng DYCI
Blue Ocean 10 ang kakayahan ng “Magis 2.0” sa pagtukoy sa sirang karne.
Ito at tinagurian din nila bilang anti-botcha machine dahil
sa ito ay nilikha ng mga kabataan bilang tugon sa lumalalang kaso ng botchang
karne sa kalakhang Maynila.
Ayon kay Bery Cruz, assistant coach ng koponan, ang karangalang
tinanggap ng Blue Ocean 10 ay makahulugan dahil ito ang unang pagkakataon na
lumahok ang bansa sa nasabing paligsahan.
Bukod dito, ang Pilipinas ang nag-iisang bansa sa South East Asia na naka-sungkit ng karangalan.
Sinabi ni Cruz na ang FLL ay kakaiba sa World Robot Olympiad
na kanilang nilahukan sa mga nagdaang taon.
“The FLL is different from the WRO,” aniya patungkol sa
pagligsahan ng mga robot kung saan ay tinanghal na kampeon noong 2010 ang
koponan ng DYCI.
Ang Blue Ocean 10 ay pinangunahan ni Coach Romyr Gimeno,
kasama ang mga mag-aaral na sina Gladys Leigh Malana, Trisha Carmela Santos,
Keight dela Cruz, Michelle Alcanar, Lady Alein Goleng, Ramikert Del Prado, Dave
Adrian Bien, Tim Jhalmar Fabillon, Jules Martin Agsaoay, at Jonathan Alejandro.
Ang FLL Food Factor World Festival ay natapos noong Abril 30
kung saan ay nagwagi bilang kampeon ang koponang Falcons ng Japan kasunod ang
Blue Gear Ticks mula sa Estados Unidos at ang NXTremers mula sa India.