Wednesday, March 7, 2012

Bulacan muling naghari sa ika-6 na sunod na taon sa CLRAA


MALOLOS—Muling namayani ang mga manlalarong Bulakenyo ng iuuwi nila ang ika-anim na sunod ang pangkalahatang kampeonato sa taunang Central Luzon Regional Athletic Association (CLRAA) na isinagawa sa Zambales noong nakaraang linggo.

Ang tagumpay na ito ay sa kabila na ang koponan ng Bulacan ay unti-unting nababawasan dahil sa pagbubukas ng mga bagong city schools divisions sa lalawigan kung saan nalilipat ang ilang mahuhusay na manlalaro.

Gayunpaman, ibinulgar ni Dr. Edna Zerudo, division superintendent ng Department of Education sa Bulacan ang lihim ng pananagumpay ng koponan ng lalawigan.

Ang Bulacan provincial schools division ay humakot ng kabuuang 499.5 puntos, kasunod ang Pampanga (358), Olongapo City (247.91 points).

Pumang-apat ang schools division mula sa Bataan, kasunod ang Tarlac City, Nueva Ecija, Malolos City, Tarlac Province, at Aurora.

Sa lahat ng schools divisions, sinasabing ang Lungsod ng Angeles ang nagpakita ng malaking improvement matapos nitong masungsukit ang ikatlong puwesto high school division.

 Ang taunang palaro ay nahahati sa Elementary at High School Division.

Ayon kay Zerrudo, ang muling pamamayani ng mga manlalarong Bulakenyo sa taunang palaro ay dahil sa disiplina ng mga manlalaro at suporta ng mga pamahalaang lokal.

Binigyang pansin din niya na ang pagigig malapit ng Bulacan sa kalakhang Maynila kung saan ang mga manlalaro at kanilang mga tagapagsanay ay nagkakaroon ng pagkakataon na makipagsagupa para sa mga tune-up games.

Sinabi pa ni Zerrudo na hidi rin maitatanggi ang pagiging mahusay ng mga manlalarong Bulakenyo na sinangkapan pa ng suporta ng mga pamahalaang lokal katulad ng kapitolyo.

 “Very supportive si Gob. Alvarado, lalo na sa pagkain ng mga manlalaro at buong delegasyon,” ani Zeruudo at iginiit na sa pagbubukas ng taunang palaro sa Zambales noong Pebrero19, si Alvarado ay dumalo rin upang magbigay ng inspirasyon sa mga manlalarong Bulakenyo.

Para naman kay Alvarado, sinabi niya na karangalan ng lalawigang ang dala ng mga manlalaro sa tuwing makikipagtunggali.

Binigyang pansin din niya na lubhang mahalaga ang disiplina ng mga manlalaro para sa kabuuang pagkatao ng  mga ito. 

“Labis po ang aking kagalakan sa pagkakapanalong muli ng mga atletang Bulakenyo. Sana poang mga ganitong gawain ay magsilbing matibay na bigkis na magbubuklod hindi lamang sa mga Bulakenyo kundi maging sa mga kababayan natin sa Gitnang Luzon,” ani Alvarado sa kanyang opisyal na pahayag matapos ang palaro na ipinalabas ng Provincial Public Affairs Office (PPAO).

Tiniyak din ni Alvarado ang suporta niya sa mga nagwaging manlalaro na kakatawan sa Gitnang Luzon sa Palarong Pambnasa na isasagawa sa Lingayen, Pangasinan sa Mayo.

Ayon naman kay Zerrudo,halos kalahati ng mga manlalaro ng Gitnang Luzon para sa nalalapit na palarong pambansa ay magmumula sa Bulacan.

Ito dahil sa ang sinumang nagwagi sa unang tatlong puwesto sa mga sports events sa katatapos na CLRAA ay magiging kinatawan ng rehiyon sa Palarong Pambansa.

No comments:

Post a Comment