Wednesday, March 7, 2012

Mga mag-aaral ng DYCI kakatawanin ang bansa sa World Lego League


BOCAUE, Bulacan—Kakatawanin ng 10 mag-aaral sa high school sa bayang ito ang bansa sa Foundation for Inspiration and Recognition of Science and Technology (FIRST) Lego League Food Factor World Festival na isasagawa sa Estados Unidos sa Abril.

Ito matapos silang magkampiyon sa katatapos na FIRST Lego League (FLL) Philippines na isinagawa sa Quezon City Interactive Science Center noong Sabado, Pebrero 25 kung saan ay tinalo nila ang 150 mag-aaral mula sa 15 kalahok na paaralan na nagmula sa ibat-ibang panig ng bansa.

Ang 10 mag-aaral ay nagmula sa Dr. Yanga Colleges Inc., (DYCI) High School sa Brgy. Wakas sa bayang ito, at tinawag na “DYCI Blue Ocean 10.”

Sila ay sina Trisha Carmela Santos, Gladys Leigh  Malana, Dave Adrian Bien, Keight Dela Cruz, Lady Alein Goleng, Tim Fabillon, Ramikurt Del Prado, Jules Martin Agsaoay, Jonathan Alejandro, at Michelle Alcanar. 

Ang DYCI ay ang paaralang pinagmulan ng mga high school students na nagkampiyon sa 2010 World Robot Olympiad (WRO), na humakot din ng parangal, kabilang ang ika-apat na karangalan sa katulad na paligsahan noong nakaraang taon.

“Hindi namin inaasahan ito. We never though our team will make it to the FLL World Championships,” ani Michael Yanga, ang director at punong guro ng DYCI High School.

Ayon kay Yanga, ang pagwawagi sa kauna-unahang paligasahan ng FLL Philippines ay isang malaking karangalan para sa DYCI dahil sa ito ang maghahatid sa kanila sa  FLL Food Factor World Festival na isasagawa sa America’s Center and Edward Jones Dome Convention Plaza  sa St. Louis, Missouri sa Estados Unidos.

Ang nasabing paligsahan ay lalahukan ng mga mag-aaral mula sa 60 bansa mula Abril 25 hanggang 28.

“I’m very proud of our students who have shown that we are really globally competitive and Bulakenyos are truly prime movers of technology,” ani Yanga.

Ang DYCI Blue Ocean 10 ay namayani sa FLL Philippines dahil sa kanilamng imbensyong Meat’s Anti-Germ Inspection Solution (Magis) v.2.0, isang makina na may kakayahang tulungan ang tao na makaiwas sa kontaminadong pagkain.

Ayon kay Beryl Cruz, punong tagapagsanay ng DYCI Blue Ocean 10, ang Magis v.2.0, ay nilikha ng mga mag-aaral sa loob ng dalawang buwan, at may kakayahan din itong matukoy ang “botyang karne.” 

Si Cruz din ang punong tagapagsanay ng DYCI Robotics team na nagkampiyon sa WRO na isinagawa sa SM Convention Center noong Nobyembre 2010;  at puman-apat naman sa WRO na isinagawa sa United Arab Emirates (UAE) noong nakaraang Nobyembre.

Bilang punong tagapagsanay ng DYCI Blue Ocean, sinabi ni Cruz na mas mahirap ang paligsahan sa FLL kumpara sa WRO.

Ito ay dahil sa ang paligsahan sa FLL ay tumutukoy sa mga solusyon sa mga problemang hinaharap ng mundo ngayon, katulad ng pamamayagpag ng “karneng botcha” sa lalawigan ng Bulacan sa nagdaang dalawang taon.

Sa taong ito, sinabi ni Cruz na ang mga kalahok sa FLL ay bumuo ng kanilang imbensyon batay sa temang “Food Factor” na ibinigay ng mga tagapag-oganisa ng paglisahan.

Ang FLL Philippines au inorganisa ni Mylene Abiva ng First in Educational Learning Trends Always (FELTA), na itinatag naman noong 1966 ng mag-asawang Felicito at Teresita Abiva.

Ang FELTA ay naglalayon na makapaghatid sa mga paaralan ng mga instructional materials na magagamit sa pagtugon ng hamon ng kasalukuyang panahon.

No comments:

Post a Comment