Showing posts with label Bulacan State University. Show all posts
Showing posts with label Bulacan State University. Show all posts

Saturday, February 1, 2014

Jasmin Lorraine Tan: Di sumuko hanggang magtagumpay


Jasmin Lorraine Tan (gitna)



MALOLOS—Balingkinitan, may mahiyaing ngiti, ngunit mababakas ang tatag ng loob.

Ito ang larawan ng babaeng gumulat sa Bulacan State University (BulSU) nang pamunuan niya ang delegasyon ng Pacesetter na mabawi ang kampeonato sa 13th Regional Higher Education Press Conference.

Matapos ang tatlong taong sunod-sunod na pagkabigong mabawin ang korona mula Bataan Peninsula State University sa RHEPC, isang malaking pagsubok ang hinarap ni Jasmin Lorraine Tan nang tanggapin niya ang pinakamalaking responsibilidad na maging Punong Patnugot ng Pacesetter, ang opisyal na pahayagan ng Bulacan State University.


Pero pinatunayan n'ya sa lahat na kaya n'yang ibalik ang korona sa BulSU nang tanghaling Over-all Champion sa 13th RHEPC ang Pacesetter sa paligsahan ngayong taon.

Ngunit hindi lang simpleng tagumpay ang kan’yang naabot, naging maugong din ang kanyang pangalan nang bukod sa kampeonato ay nakamit din niya ang parangal na Individual Highest Pointer ng nasabing kompetisyon nang angkinin n’ya ang tatlong unang parangal sa mga laban na kan’yang sinalihan; Sports Writing, Developmental Communications Writing at Opinion Writing.

Sa kabila ng lahat ng parangal at papuri ay ang katotohanan na hindi minina ang mga ginto mula sa kawalan. Lingid sa kaalaman ng karamihan, malubak na daan ang tinahak ng nasabing dalaga bago pa man niya maabot ang nasabing estado.

Lumaki sa di-mabilang na mga pagkabigo sa mga laban si Jasmin Lorraine Tan.

Ang totoo, hanggang ngayon ay hindi pa rin s’ya makapaniwala na napagtagumpayan n’ya ang nasabing hamon.

“Tatlong beses akong nag-try sumali sa school publication namin no’ng high school, pero hindi ako natanggap,” pag-aalala nito sa nakaraan na tinuturing n’yang pinakamalaki niyang pagkabigo.


Inamin din niya sa napakaraming mga patimpalak na sinalihan niya noon ay lagi siyang talo. 

Maging sa 12th  RHEPC ay umuwi siyang luhaan nang matalo sa Poetry Writing at makuntento sa 9th Place sa Sports Writing.

Pero hindi niya itinuring na dahilan para sumuko ang mga pangyayari sa nakaraan. Sa halip, itinuring nya itong dahilan para mas pagbutihan pa.

“Biggest motivation ng tao ang failure from the past,” sabi ni Tan.

Nang magkaroon ng inspirasyon mula sa isang guro no’ng high school, pinili n’yang kunin ang kursong Journalism at sumali sa Pacesetter ng BulSU.

“Sabi ko talaga noon sa sarili ko, ‘di pwedeng hindi ako kasali [Pacesetter],” aniya.

Doon din niya nadiskubre ang kanyang talent sa Sports Writing at di maglaon ay nakahiligan na n’yang isulat ang mga ito.

“Masarap kasi isulat ang sports, maaksyon, pwede mong paglaruan ‘yung istorya,” wika pa ni Tan.

Nagsimula ng unti-unti niyang pagbangon hanggang sa maging Editor-in-Chief ng nasabing publikasyon.

Ngunit ang paqgbangong ito ay nasangkapan ng di mabilang na mga pagsubok.

“Nabansagang weakest batch ang editorial board namin, ang daming tawag sa atin, tapos parang ang daming fall back, tapos ang daming failures. Tapos nung nag-champion, parang, ito na 'yon e, ito na yung lahat ng hindi natin itinulog, lahat ng panahon na hindi tayo umuwi, lahat ng panahon na kailangan mong isacrifice yung acads [academics] mo,“ pag-amin ni Tan.

Pero itinuturing niyang malaking tulong ang mga tao sa paligid niya upang mapagwagian ang mga nasabing problema.


Sa paggabay ng kaniyang pamilya, mga kaibigan, kaklase, at mga guro, isa na siya ngayong inspirasyon hindi lang para sa mga kapwa Journalism-majors ngunit para sa lahat ng mga nakaranas din ng mga pagkatalo sa buhay.

“Super galing naman talaga ni Jasmin, ayaw lang niyang maniwala sa sarili niya. Kayang kaya naman niyang maging on top pero grounded pa rin siya. Saka super proud kami sa kanya di lang dahil sa nanalo siya sa RHEPC, kasi napakabait niyan. Mas inuuna pa niya yung iba kesa sa kasiyahan niya kaya deserve niya talaga lahat nga nakukuha niya," sabi ni Jesson Lagman, Associate Editor ng Pacesetter.

“Dati, sobrang iyakin ako, pero ngayon, iyakin na lang ako,” natatawa ang wika ni Tan sa isang panayam.

Dagdag pa niya, “pero mas stronger na ako ngayon, masasabi kong mas matatag na ako.”

Sa ngayon, patuloy pa rin n’yang ginagampanan ang tungkulin bilang punong patnugot ng Pacesetter, kasabay ng pagbuno niya sa kaniyang thesis, at pagiging Associate Producer ng isa sa mga pelikula sa Sine Bulacan, isang patimpalak sa College of Arts and Letters ng BulSU.

At bilang isang inspirasyon, nag-iwan si Tan ng mensahe sa mga susunod na henerasyon ng mga estudyante sa BulSU.

“’Wag kang mag-stay sa course mo kung hindi mo talaga gusto. Kasi ako, gusto ko talaga magsulat, mag-cover, mag-interview, kaya kahit mahirap nakakaya ko kasi gusto ko,” aniya.

Sa kanyang nalalapit na pagtatapos sa unibersidad, napakalaki ng pangarap n’ya hindi lang para sa sarili kundi para sa pamilya. Maging writer sa isang sports magazine o isang broadsheet ang kaniyang plano sa mga susunod na panahon.

“Five years from now, hindi na ko aasa sa family ko. Hopefully, makabawi sa lahat ng binigay sa akin ng family ko.” pagtatapos ni Tan. Clarisse Inao

(Si Clarisse Inao ay isang mag-aaral na kasalukuyang nasa ikatlong taon ng kursong Bachelor of Arts inJournalism sa Bulacan State University. Isa rin siyang kasapi ng Pacesetter).

Wednesday, December 5, 2012

Ika-108 taong pagkakatatag, ipinagdiriwang ng BulSU




MALOLOS—Tampok ang ibat-ibang gawain na sa isang linggong pagdiriwang ng ika-108 taong pagkakatatag ng Bulacan State University (BulSU) na nagsimula sa Lunes, Disyembre 3.

Ito ay may temang “Pagpapalaganap ng Galing at Karunungan.”

Ayon kay Dr. Antonio Del Rosario, vice-president for academic affairs, tagapangulo ng executive committee para sa pagdiriwang, kabilang sa mga tampok na gawain ay ang paglulunsad ng libro, pagpapasinaya sa bagong pasilidad, mga talakayan, at mga tunggaliang pang kalinangan at pampalakasan.

“It will be an austere celebration but it will mirror accomplishments the university has achieved in past 108 years,” ani Del Rosario.

Inayunan din ito ni Dr. Danilo Hilario, ang Vice President for planning, research and external affairs.

Sinabi niya na sa pamamagitan ng Bahay Saliksikan ng Bulacan na nakabase sa BulSU, inilunsad ang isang libro hinggil sa mga katutubong Dumagat.
Ito ay may pamagat na “Mahabe Pagotan:  Kasaysayan, Kalinangan at  Lipunan ng mga Dumagat sa bahaging Bulacan ng Sierra Madre” at sinulat ng misyonerong si

Bro. Martin Francisco ng Sagip Sierra Madre Environmental Society.

 Bukod dito, sinabi ni Hilario na pasisinayaan ang regional laboratory ng Hitachi Corporation Philippines  sa loob ng bakuran ng BulSU.

Ang BulSU an gang itinuturing may pinakamalaking pamantasan sa Gitnang Luzon kung ang bilang ng mag-aaral ang pagbabatayan.

 Sa kasalukuyang, may 32,000 mag-aaral sa BulSU na may pangunahing campus sa lungsod na ito bukod pa sa mga satellite campus sa mga Lungsod ng San Jose Del Monte at mga bayan ng Bustos, Bulakan at Hagonoy.

Ang BulSU ay nagsimula noong 1904 sa bisa ng Act 174 ng Philippine Commission noong 1901 na nag-atas ng pagtatayo ng mga paaralan sa mga pangunahing bayan sa bansa noon at kilalamin ang mga nakatatag ng mga paaralan.

Bilang isang intermediate school, naging Bulacan Trade School noong 1909 ang BulSU kung saan ang mga guro ay kabilang sa grupo ng mga Amerikanong guro na tinawag na Thomasites.

Di nagtagal ay napalitan ng mga Pilipino ang namumuno sa noo’y BTS at noong 1920s, ang mga intermediate course ay pinalitan ng mga secondary courses.

Ayon kay Hilario,sa pagdaan ng panahon umunlad ang mga kurso sa BTS hanggang magdagdaga ng mga vocational courses.

 Ito ay higit pang umunlad matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig.

Sa pamamagitan ng mga lehislasyon, ang BTS ay naging Bulacan National Trade School (BNTS) noong 1953, Bulacan National School of Arts and Trades (BNSAT) noong 1957, at Bulacan School of Arts and Trades (BSAT) noong 1960.

Ito ay nasundan ng pagsismula ng pagtuturo ng dalawang taong kurso para sa automotive, at machine shop.

Noong 1965, ang BSAT at naging kolehiyo at tinawag na Bulacan College of Arts and Trades (BCAT).  Ito ay nagbigay daan sa pagpapalawak ng mga kurso at pagsisimula ng apat na taong kurso tulad ng Bachelor of Science in Industrial Education.

Hindi nagtagal, sinimulan ang mga kurso para sa mga inhinyero, guro at maging mga masteral courses sa ilalim ng Graduate education programs.

Noong 1993, sa bisa ang Republic Act 7665, ang BCAT ay naging isang pamantasan at tinawag na Bulacan State University (BULSU).   (Dino Balabo)