Saturday, February 1, 2014

Jasmin Lorraine Tan: Di sumuko hanggang magtagumpay


Jasmin Lorraine Tan (gitna)



MALOLOS—Balingkinitan, may mahiyaing ngiti, ngunit mababakas ang tatag ng loob.

Ito ang larawan ng babaeng gumulat sa Bulacan State University (BulSU) nang pamunuan niya ang delegasyon ng Pacesetter na mabawi ang kampeonato sa 13th Regional Higher Education Press Conference.

Matapos ang tatlong taong sunod-sunod na pagkabigong mabawin ang korona mula Bataan Peninsula State University sa RHEPC, isang malaking pagsubok ang hinarap ni Jasmin Lorraine Tan nang tanggapin niya ang pinakamalaking responsibilidad na maging Punong Patnugot ng Pacesetter, ang opisyal na pahayagan ng Bulacan State University.


Pero pinatunayan n'ya sa lahat na kaya n'yang ibalik ang korona sa BulSU nang tanghaling Over-all Champion sa 13th RHEPC ang Pacesetter sa paligsahan ngayong taon.

Ngunit hindi lang simpleng tagumpay ang kan’yang naabot, naging maugong din ang kanyang pangalan nang bukod sa kampeonato ay nakamit din niya ang parangal na Individual Highest Pointer ng nasabing kompetisyon nang angkinin n’ya ang tatlong unang parangal sa mga laban na kan’yang sinalihan; Sports Writing, Developmental Communications Writing at Opinion Writing.

Sa kabila ng lahat ng parangal at papuri ay ang katotohanan na hindi minina ang mga ginto mula sa kawalan. Lingid sa kaalaman ng karamihan, malubak na daan ang tinahak ng nasabing dalaga bago pa man niya maabot ang nasabing estado.

Lumaki sa di-mabilang na mga pagkabigo sa mga laban si Jasmin Lorraine Tan.

Ang totoo, hanggang ngayon ay hindi pa rin s’ya makapaniwala na napagtagumpayan n’ya ang nasabing hamon.

“Tatlong beses akong nag-try sumali sa school publication namin no’ng high school, pero hindi ako natanggap,” pag-aalala nito sa nakaraan na tinuturing n’yang pinakamalaki niyang pagkabigo.


Inamin din niya sa napakaraming mga patimpalak na sinalihan niya noon ay lagi siyang talo. 

Maging sa 12th  RHEPC ay umuwi siyang luhaan nang matalo sa Poetry Writing at makuntento sa 9th Place sa Sports Writing.

Pero hindi niya itinuring na dahilan para sumuko ang mga pangyayari sa nakaraan. Sa halip, itinuring nya itong dahilan para mas pagbutihan pa.

“Biggest motivation ng tao ang failure from the past,” sabi ni Tan.

Nang magkaroon ng inspirasyon mula sa isang guro no’ng high school, pinili n’yang kunin ang kursong Journalism at sumali sa Pacesetter ng BulSU.

“Sabi ko talaga noon sa sarili ko, ‘di pwedeng hindi ako kasali [Pacesetter],” aniya.

Doon din niya nadiskubre ang kanyang talent sa Sports Writing at di maglaon ay nakahiligan na n’yang isulat ang mga ito.

“Masarap kasi isulat ang sports, maaksyon, pwede mong paglaruan ‘yung istorya,” wika pa ni Tan.

Nagsimula ng unti-unti niyang pagbangon hanggang sa maging Editor-in-Chief ng nasabing publikasyon.

Ngunit ang paqgbangong ito ay nasangkapan ng di mabilang na mga pagsubok.

“Nabansagang weakest batch ang editorial board namin, ang daming tawag sa atin, tapos parang ang daming fall back, tapos ang daming failures. Tapos nung nag-champion, parang, ito na 'yon e, ito na yung lahat ng hindi natin itinulog, lahat ng panahon na hindi tayo umuwi, lahat ng panahon na kailangan mong isacrifice yung acads [academics] mo,“ pag-amin ni Tan.

Pero itinuturing niyang malaking tulong ang mga tao sa paligid niya upang mapagwagian ang mga nasabing problema.


Sa paggabay ng kaniyang pamilya, mga kaibigan, kaklase, at mga guro, isa na siya ngayong inspirasyon hindi lang para sa mga kapwa Journalism-majors ngunit para sa lahat ng mga nakaranas din ng mga pagkatalo sa buhay.

“Super galing naman talaga ni Jasmin, ayaw lang niyang maniwala sa sarili niya. Kayang kaya naman niyang maging on top pero grounded pa rin siya. Saka super proud kami sa kanya di lang dahil sa nanalo siya sa RHEPC, kasi napakabait niyan. Mas inuuna pa niya yung iba kesa sa kasiyahan niya kaya deserve niya talaga lahat nga nakukuha niya," sabi ni Jesson Lagman, Associate Editor ng Pacesetter.

“Dati, sobrang iyakin ako, pero ngayon, iyakin na lang ako,” natatawa ang wika ni Tan sa isang panayam.

Dagdag pa niya, “pero mas stronger na ako ngayon, masasabi kong mas matatag na ako.”

Sa ngayon, patuloy pa rin n’yang ginagampanan ang tungkulin bilang punong patnugot ng Pacesetter, kasabay ng pagbuno niya sa kaniyang thesis, at pagiging Associate Producer ng isa sa mga pelikula sa Sine Bulacan, isang patimpalak sa College of Arts and Letters ng BulSU.

At bilang isang inspirasyon, nag-iwan si Tan ng mensahe sa mga susunod na henerasyon ng mga estudyante sa BulSU.

“’Wag kang mag-stay sa course mo kung hindi mo talaga gusto. Kasi ako, gusto ko talaga magsulat, mag-cover, mag-interview, kaya kahit mahirap nakakaya ko kasi gusto ko,” aniya.

Sa kanyang nalalapit na pagtatapos sa unibersidad, napakalaki ng pangarap n’ya hindi lang para sa sarili kundi para sa pamilya. Maging writer sa isang sports magazine o isang broadsheet ang kaniyang plano sa mga susunod na panahon.

“Five years from now, hindi na ko aasa sa family ko. Hopefully, makabawi sa lahat ng binigay sa akin ng family ko.” pagtatapos ni Tan. Clarisse Inao

(Si Clarisse Inao ay isang mag-aaral na kasalukuyang nasa ikatlong taon ng kursong Bachelor of Arts inJournalism sa Bulacan State University. Isa rin siyang kasapi ng Pacesetter).

Sunday, May 19, 2013

Dalawang guro ng DepEd kinasuhan ng BulSU


 
MALOLOS—Dalawang public school teacher ang sinampahan ng kasong administratibo ng Bulacan State University (BulSU) dahil sa pangingikil sa mga bagong mag-aaral na nag-eenrol.

Bukod rito, pinag-aaralan na ring pamantasan ang pagsasampa ng kasong kriminal laban kina Nida Castro alyas “Sweet:” at Zosima Perez, kapwa guro ng Department of Education (DepEd) sa lungsod na ito at sa bayan ng Hagonoy.

Ang kaso ay nag-ugat sa reklamo ng 16 na magulang at estudyante na diumano’y hiningan ng halagang P1,500 hanggang P4,000 bawat isa para sa medical examination at uniporme.

Ayon kay Dr. Mariano De Jesus, pangulo BulSU, ang dalawang guro ay nagsilbing “fixer” sa mga bagong estudyante na nais makapag-aral sa pamantasan.

Ikinalungkot ni De Jesus ang pangingikil ng dalawang guro ng DepEd dahil isa raw sa mga ito ay naging estudyante panila.

“Maling-mali ginawa nila, nagamit pa ang pangalan ko,” sabi ni De Jesus.

Iginiit paniya na sa pagiging fixer ng dalawang guro ay itinuro nito samga kabataang mag-aaral ang maling aral tulad ng palakasan system.

Sinabi niya na nagsimulang maramdaman ang pagkakaroonng mga fixers sa mahabang pila ng mga mag-aaral noong nakaraang taon.

Ayon kay De Jesus, isa sa mga suspek ay madalas magtungo kanyang tanggapan at humihingi ng pabor para makapasok sa pamantasan ang batang mag-aaral.

“Noong una, inakala ko na kamag-anak lang niya, pero maraming beses na maraming inilakad na estudyante kaya naghinala ako,” ani ng pangulo ng pamantasan.

Sa taong ito, nag-atas si De Jesus na ang lahat ng bagong mag-aaral ay sasailalim  sa isang panayam sa kanyang tanggapan.

Sa pagkakataong ito,ilang mag-aaral ang umamin na nagbayad sila sa fixer.

Ayon kay De Jesus, maraming kabataan ngayon ang hindi makapagtiis sa mahabang pila sa enrollment, ngunit ang hindi nila nauunawaan ay bahagi iyon ang pagpapaunawa upang mabigyang halaga hardwork at pagtitiyaga.

Bilang isa sa mga pangunahing pamantasan sa Gitnang Luzon, ang BulSU ay may pinakamalaking populasyon na umaabot sa mahigit 32,000 mag-aaral.

Ito ay nangangahulugan ng mahabang pila,bukod sapagpapatupad ng quota system sa ilang piling kurso.

Ang quota system, ayang pagpili ng pangunahing mag-aaral na nakapasa sa entrance examination sa ilang piling kurso katuladng engineering.

Gayunpaman, hindi lahat ng hindi natanggap sa kurso ay bagsak dahil kahit nakapasa ang mag-aaral sa entrance examinations, maaring hindi pa rin makapasok kung mas maraming mas mataas ang grado sa kanya.  (Dino Balabo)

News Editor ng Mabuhay, 3 pa binigyang pagkilala ng Diyosesis ng Malolos




GUIGUINTO, Bulacan—Dalawang mamamahayag sa Bulacan kabilang ang news editor ng Mabuhay, isang himpilan ng radyo at  isang photographer ang binigyang pagkilala ng Diyosesis ng Malolos noong Sabado, Mayo 11.

Ang mga tumanggap pagkilala mula sa Commission on Social Communications (CSC) ng Diyosesis ng Malolos aya ng Radyo Bulacan, kasama si Cris Arellano,isang photographer mula sa bayan ng Hagonoy at sina Carmela Reyes-Estrope ng Philippine Daily Inquirer at NewsCore, at si Dino Balabo,news editor ng Mabuhay, correspondent ng Philippine Star at Punto Central Luzon at brodkaster sa Radyo Bulacan.

Sina Reyes-Estrope at Balabo ay kapwa part-time instructors sa College of Arts and Letters ng Bulacan State University (BulSU).

Sila ay binigyang pagkilala dahil sa masusing pagtutok sa pagsasagawa ng isang taojng pagdiriwang ng ika-50 Jubileo ng Diyosesis ng Malolos mula noong marso 2012 hanggang nitong nakaraang marso.

Ang pagkilala ay ipinagkaloob ng CSC isang araw bago ipagdiwang ang ika-47 taong World Communications Day noong Linggo, Mayo 12 na may temang “Social Networks: portals of truth and faith; new spaces for evangelization."

Ito ay ipinagkaloob sa  Agatha Hotel na matatagpuan sa Barangay Sta. Rita sa bayang ito kung saan isinagawa ang pulongng ng CSC.

Ayonkay Father Dario Cabral, direktor ng CSC, ang parangal ay isangmaliit na pagkilala sa kontribusyon ng mga mamamahayag sa paghahatid ng balita hinggil sa matagumpay na pagdiriwang ng Jubileo.

“It’s our way of appreciation for the hard works you have done,” ani Cabral.

Binigyang diin din niya na dedekasyong ipinakita ng mga tumanggapng parangal na nagsilbi ring inspirasyon sa CSC.

Kaugnay nito, inihayag ni Cabral ang plano ng CSC na magtayo ng himpilan ng radyo namagsasahimpapawid sa internet bilang bahagi ng pagsasagawa ng bagong ebanghelisasyon na itinatakda ng resulta ng ikalawang sinodo ng Diyosesis.

Sinabi pa niya na may mas makakatipid ang diyosesis kung isang internet radio ang itatayo sa halip na isang regular na himpilan ng radyo.

Bukod rito,plano ring CSC na maglathalang mga aklat,magazine at pagbuong mga documentary na maaaring ipalabas sa mga telebisyon.(Dino Balabo)

Wednesday, April 17, 2013

Zero backlog sa classroom, target ng Bulacan sa Hunyo 2013



LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan -- Target ng pamahalaang panlalawigan at Department of Education (DepEd) ang zero backlog sa mga classroom pagsapit ng Hunyo ngayong taon sa pamamagitan ng pagtatayo ng 1,942 silid-aralan sa mga pampublikong paaralan sa Bulacan.

Mismong si Education Secretary Armin Luistro ang nag-anunsyo na ginugugol na ngayon ang halagang P800 milyong pondo para sa pagtatayo ng may 971 na mga silid-aralan sa lalawigan.

Ang nasabing bilang ay nagsisilbing counterpart ng pamahalaang nasyonal sa 50-50 Classroom Fund Sharing Scheme.

Sa sistemang ito, may hiwalay na P800 milyon ding inilaan ang kapitolyo para sa kapupunan ng mga silid-aralan na itatayo mula ngayong Enero 2012 hanggang ngayong Abril 2013.

Ayon kay Luistro, target ng administrasyong Aquino na tuldukan na ang kakulangan ng mga silid-aralan sa buong Pilipinas.


Sa puntong ito, ang Bulacan ay unang lalawigan sa bansa na pinagbabaan ng 50-50 Classroom Fund Sharing Scheme dahil nakapaghanda kaagad ang pamahalaang panlalawigan ng counterpart fund nito upang mabuo ang P1.6 bilyong pondo na kailangan upang makapagtayo ng inimbentaryong kakulangan sa mga silid-aralan. Shane Frias Velasco, PIA 3

Wednesday, December 5, 2012

Ika-108 taong pagkakatatag, ipinagdiriwang ng BulSU




MALOLOS—Tampok ang ibat-ibang gawain na sa isang linggong pagdiriwang ng ika-108 taong pagkakatatag ng Bulacan State University (BulSU) na nagsimula sa Lunes, Disyembre 3.

Ito ay may temang “Pagpapalaganap ng Galing at Karunungan.”

Ayon kay Dr. Antonio Del Rosario, vice-president for academic affairs, tagapangulo ng executive committee para sa pagdiriwang, kabilang sa mga tampok na gawain ay ang paglulunsad ng libro, pagpapasinaya sa bagong pasilidad, mga talakayan, at mga tunggaliang pang kalinangan at pampalakasan.

“It will be an austere celebration but it will mirror accomplishments the university has achieved in past 108 years,” ani Del Rosario.

Inayunan din ito ni Dr. Danilo Hilario, ang Vice President for planning, research and external affairs.

Sinabi niya na sa pamamagitan ng Bahay Saliksikan ng Bulacan na nakabase sa BulSU, inilunsad ang isang libro hinggil sa mga katutubong Dumagat.
Ito ay may pamagat na “Mahabe Pagotan:  Kasaysayan, Kalinangan at  Lipunan ng mga Dumagat sa bahaging Bulacan ng Sierra Madre” at sinulat ng misyonerong si

Bro. Martin Francisco ng Sagip Sierra Madre Environmental Society.

 Bukod dito, sinabi ni Hilario na pasisinayaan ang regional laboratory ng Hitachi Corporation Philippines  sa loob ng bakuran ng BulSU.

Ang BulSU an gang itinuturing may pinakamalaking pamantasan sa Gitnang Luzon kung ang bilang ng mag-aaral ang pagbabatayan.

 Sa kasalukuyang, may 32,000 mag-aaral sa BulSU na may pangunahing campus sa lungsod na ito bukod pa sa mga satellite campus sa mga Lungsod ng San Jose Del Monte at mga bayan ng Bustos, Bulakan at Hagonoy.

Ang BulSU ay nagsimula noong 1904 sa bisa ng Act 174 ng Philippine Commission noong 1901 na nag-atas ng pagtatayo ng mga paaralan sa mga pangunahing bayan sa bansa noon at kilalamin ang mga nakatatag ng mga paaralan.

Bilang isang intermediate school, naging Bulacan Trade School noong 1909 ang BulSU kung saan ang mga guro ay kabilang sa grupo ng mga Amerikanong guro na tinawag na Thomasites.

Di nagtagal ay napalitan ng mga Pilipino ang namumuno sa noo’y BTS at noong 1920s, ang mga intermediate course ay pinalitan ng mga secondary courses.

Ayon kay Hilario,sa pagdaan ng panahon umunlad ang mga kurso sa BTS hanggang magdagdaga ng mga vocational courses.

 Ito ay higit pang umunlad matapos ang ikalawang digmaang pandaigdig.

Sa pamamagitan ng mga lehislasyon, ang BTS ay naging Bulacan National Trade School (BNTS) noong 1953, Bulacan National School of Arts and Trades (BNSAT) noong 1957, at Bulacan School of Arts and Trades (BSAT) noong 1960.

Ito ay nasundan ng pagsismula ng pagtuturo ng dalawang taong kurso para sa automotive, at machine shop.

Noong 1965, ang BSAT at naging kolehiyo at tinawag na Bulacan College of Arts and Trades (BCAT).  Ito ay nagbigay daan sa pagpapalawak ng mga kurso at pagsisimula ng apat na taong kurso tulad ng Bachelor of Science in Industrial Education.

Hindi nagtagal, sinimulan ang mga kurso para sa mga inhinyero, guro at maging mga masteral courses sa ilalim ng Graduate education programs.

Noong 1993, sa bisa ang Republic Act 7665, ang BCAT ay naging isang pamantasan at tinawag na Bulacan State University (BULSU).   (Dino Balabo)

Monday, May 7, 2012

DYCI Blue Ocean 10 pinarangalan sa World Food Factor Festival




LUNGSOD NG MALOLOS – Tumanggap ng ikatlong karangalan sa isa sa 12 kategorya ng First Lego League (FLL) Food Factor World Festival na isinagawa sa Estados Unidos ang koponang Bulakenyo na kumatawan sa bansa.

Ang ikatlong karangalan sa Project Presentation category ng FLL ay iniuwi ng koponang Blue Ocean 10 ng Dr. Yanga’s Colleges Incorporated  (DYCI) na naka-base sa Barangay Wakas Bocaue, Bulacan noong nakaraang linggo.

Ito ay sa pamamagitan ng kanilang nilikhang anti-botcha machine o Meat Anti-Germ Inspection Solution 2.0 (Magis 2.0) na may kakayahang matukoy ang sirang karne.

Bilang isa sa 12 kategorya ng FLL, ang project presentation ay nilahukan ng mga 40 koponan mula sa Canada at Estados Unidos, at dagdag pang 40 koponan mula sa Australia, Europa, Asia, Africa, at South America.

“We didn’t win the championship, but we made it in the major category,” ani Michael Yanga, ang director ng DYCI.

Ang unang dalawang koponang nagwagi sa project presentation category ay ang Mindstorm Masters at Team Nexus na kapwa nagmula sa Estados Unidos.

Ayon kay Yanga, ang karangalang tinanggap ng DYI Blue Ocean 10 ay isang malinaw na pagkilala sa kakayahan ng mga Pilipino.

Ikinuwento niya na sa oras ng paligsahan, ipinakita ng DYCI Blue Ocean 10 ang kakayahan ng “Magis 2.0” sa pagtukoy sa sirang karne.

Ito at tinagurian din nila bilang anti-botcha machine dahil sa ito ay nilikha ng mga kabataan bilang tugon sa lumalalang kaso ng botchang karne sa kalakhang Maynila.

Ayon kay Bery Cruz, assistant coach ng koponan, ang karangalang tinanggap ng Blue Ocean 10 ay makahulugan dahil ito ang unang pagkakataon na lumahok ang bansa sa nasabing paligsahan.

Bukod dito, ang Pilipinas ang nag-iisang bansa sa South East Asia na naka-sungkit ng karangalan.

Sinabi ni Cruz na ang FLL ay kakaiba sa World Robot Olympiad na kanilang nilahukan sa mga nagdaang taon.

“The FLL is different from the WRO,” aniya patungkol sa pagligsahan ng mga robot kung saan ay tinanghal na kampeon noong 2010 ang koponan ng DYCI.

Ang Blue Ocean 10 ay pinangunahan ni Coach Romyr Gimeno, kasama ang mga mag-aaral na sina Gladys Leigh Malana, Trisha Carmela Santos, Keight dela Cruz, Michelle Alcanar, Lady Alein Goleng, Ramikert Del Prado, Dave Adrian Bien, Tim Jhalmar Fabillon, Jules Martin Agsaoay, at Jonathan Alejandro.

Ang FLL Food Factor World Festival ay natapos noong Abril 30 kung saan ay nagwagi bilang kampeon ang koponang Falcons ng Japan kasunod ang Blue Gear Ticks mula sa Estados Unidos at ang NXTremers mula sa India.

Wednesday, May 2, 2012

PAGHAHANDA SA K+12:Kapitolyo, Malolos magkaagapay sa pagtatayo ng mga silid-aralan



By Dino Balabo
MALOLOS – Bilang punong guro ng Malolos Central School sa maraming taon, hindi na mabilang ni Reynaldo Diaz ang mga hamon at problemang sinuong.

At habang nalalapit naman ang susunod na pasukan, mas maraming hamon ang hinaharap ni Diaz.

Kabilang dito ay ang paghahanda sa implementasyon ng Kindergarden Plus 12 Program (K+12) at ang pagbubukas ng programang pangsekundarya sa kanyang paaralan na sa Hunyo ay tatawaging Malolos City Integrated School (MCIS).

Ngunit katulad ng iba pang punong guro sa mga pampublikong paaralan sa lalawigan, ang mga problema ay hindi haharaping mag-isa ni Diaz. Ito ay dahil sa ayudang hatid ng mga pamahalaang lokal sa lalawigan.

“Since 2010, we initiated an aggressive school building construction program because we know student population will always outnumber classrooms and other facilities,” ani Mayor Christian Natividad ng lungsod na ito na itinuturing na sentro ng edukasyon sa lalawigan.

Ayon kay Natividad, ang kanyang programa sa konstruksyon ng mga silid aralan ay doble ang talim.

Una, ito ay nakadisenyo upang mabawasan ang kakulangan sa mga silid-aralan sa mga pampublikong paaralan sa lungsod; at ikalawa, layunin nito na mapababa ang bilang ng mga mag-aaral sa high school na hindi nagpapatuloy o hindi nakakatapos.

Batay sa tala ng Department of Education (DepEd) noong 2010, ang Malolos ay pang-apat sa mga lungsod o bayan sa bansa na may pinamakataas na drop-out rate sa high school.

“It is ironic, Malolos City is the academic center of Bulacan and we have three prestigious universities in the city along with 47 other colleges, but our high school students are dropping out,” ani ng alkalde.

Ang mga pamantasang kanyang tinutukoy ay ang Bulacan State University (BulSU), La Consolacion University of the Philippines (LaCUP), at ang Centro Escolar University—Malolos Campus.

Ayon kay Natividad, ang mataas na drop-out rate ng mga mag-aaral sa high school sa lungsod na ito ay nakakabahala dahil ito ay magbubunga ng mga kabataang kapos sa kakayahan.

Bilang tugon sa nasabing kalagayan, pinangunahan ni Natividad ang pagbubukas ng mga paaralang sekundarya sa mga barangay ng Bangkal, Santisima Trinidad, Mojon, at Bungahan. Isa pa ang planong itayo sa Barangay Bulihan.

“We will build more together with the provincial government.  Our plan is to establish a high school for every three barangays,” aniya at nilinaw na hindi sila nagtayo ng mga silid aralan sa lahat ng nabanggit na barangay.

Sa halip ay nagrenta sila ng gusali upang mapasimulan agad ang programa.

Hinggil naman sa mga paaralang pang-elementarya, sinabi ni Natividad na mula noong 2010 ay nakapagtayo na sila ng lima, kaya’t lima na lamang sa 49 barangay ng lungsod na ito ang walang paaralang elementarya.

Ayon sa alkalde, ang pagtatayo ng mga paaralang elementarya sa bawat barangay ay bahagi ng kanilang paghahanda sa pagpapatupad ng K+12 sa Hunyo.

“Some barangays may not have their school building by June, but we are moving forward and we thank the provincial government for assistance,” aniya.

Una rito, nilagdaan nina Gob. Wilhelmino Alvarado at Education Secretary Armin Luistro ang isang memorandum of agreement (MOA) para sa konstrukyon ng karagdagang 1,982 silid aralan sa lalawigan.

Ang konstruksyon, ayon kay Luistro ay inaasahang matatapos sa 2013.

Ito ay pinondohan ng Deped at kapitolyo batay sa iskemang “50-50” kung saan ang DepEd ay magbibigay ng P800-milyon para sa konstruksyon ng mga silid aralan at iyon naman ay tutumbasan ng katulad na halaga ng kapitolyo. 

Dahil dito, tinatayang aabot sa P1.6-bilyon ang gugugulin ng DepEd at kapitolyo para sa mga itatayong silid aralan sa lalawigan.

Para sa mga punong guro ng mga paaralang pampubliko sa lalawigan, ang pagtatambal ng DepEd at kapitolyo ay isang magandang kaganapan.

Sinabi niya na siya ay umaasa na madagdagan pa ang mga walong silid aralan na tinatayo sa MCIS, partikular na kung ito ay mapapabilang sa mga paaralang tutukuyin ng DepEd at kapitolyo.

Simple ang dahilan sa pagnanais ni Diaz na madagdagan pa ang silid aralan sa MCIS.

Ito ay dahil na rin sa umabot na sa higit 500 mag-aaral ang naunang nagpatala upang mag-aral ng high school sa MCIS sa darating na Hunyo.