Wednesday, May 2, 2012

PAGHAHANDA SA K+12:Kapitolyo, Malolos magkaagapay sa pagtatayo ng mga silid-aralan



By Dino Balabo
MALOLOS – Bilang punong guro ng Malolos Central School sa maraming taon, hindi na mabilang ni Reynaldo Diaz ang mga hamon at problemang sinuong.

At habang nalalapit naman ang susunod na pasukan, mas maraming hamon ang hinaharap ni Diaz.

Kabilang dito ay ang paghahanda sa implementasyon ng Kindergarden Plus 12 Program (K+12) at ang pagbubukas ng programang pangsekundarya sa kanyang paaralan na sa Hunyo ay tatawaging Malolos City Integrated School (MCIS).

Ngunit katulad ng iba pang punong guro sa mga pampublikong paaralan sa lalawigan, ang mga problema ay hindi haharaping mag-isa ni Diaz. Ito ay dahil sa ayudang hatid ng mga pamahalaang lokal sa lalawigan.

“Since 2010, we initiated an aggressive school building construction program because we know student population will always outnumber classrooms and other facilities,” ani Mayor Christian Natividad ng lungsod na ito na itinuturing na sentro ng edukasyon sa lalawigan.

Ayon kay Natividad, ang kanyang programa sa konstruksyon ng mga silid aralan ay doble ang talim.

Una, ito ay nakadisenyo upang mabawasan ang kakulangan sa mga silid-aralan sa mga pampublikong paaralan sa lungsod; at ikalawa, layunin nito na mapababa ang bilang ng mga mag-aaral sa high school na hindi nagpapatuloy o hindi nakakatapos.

Batay sa tala ng Department of Education (DepEd) noong 2010, ang Malolos ay pang-apat sa mga lungsod o bayan sa bansa na may pinamakataas na drop-out rate sa high school.

“It is ironic, Malolos City is the academic center of Bulacan and we have three prestigious universities in the city along with 47 other colleges, but our high school students are dropping out,” ani ng alkalde.

Ang mga pamantasang kanyang tinutukoy ay ang Bulacan State University (BulSU), La Consolacion University of the Philippines (LaCUP), at ang Centro Escolar University—Malolos Campus.

Ayon kay Natividad, ang mataas na drop-out rate ng mga mag-aaral sa high school sa lungsod na ito ay nakakabahala dahil ito ay magbubunga ng mga kabataang kapos sa kakayahan.

Bilang tugon sa nasabing kalagayan, pinangunahan ni Natividad ang pagbubukas ng mga paaralang sekundarya sa mga barangay ng Bangkal, Santisima Trinidad, Mojon, at Bungahan. Isa pa ang planong itayo sa Barangay Bulihan.

“We will build more together with the provincial government.  Our plan is to establish a high school for every three barangays,” aniya at nilinaw na hindi sila nagtayo ng mga silid aralan sa lahat ng nabanggit na barangay.

Sa halip ay nagrenta sila ng gusali upang mapasimulan agad ang programa.

Hinggil naman sa mga paaralang pang-elementarya, sinabi ni Natividad na mula noong 2010 ay nakapagtayo na sila ng lima, kaya’t lima na lamang sa 49 barangay ng lungsod na ito ang walang paaralang elementarya.

Ayon sa alkalde, ang pagtatayo ng mga paaralang elementarya sa bawat barangay ay bahagi ng kanilang paghahanda sa pagpapatupad ng K+12 sa Hunyo.

“Some barangays may not have their school building by June, but we are moving forward and we thank the provincial government for assistance,” aniya.

Una rito, nilagdaan nina Gob. Wilhelmino Alvarado at Education Secretary Armin Luistro ang isang memorandum of agreement (MOA) para sa konstrukyon ng karagdagang 1,982 silid aralan sa lalawigan.

Ang konstruksyon, ayon kay Luistro ay inaasahang matatapos sa 2013.

Ito ay pinondohan ng Deped at kapitolyo batay sa iskemang “50-50” kung saan ang DepEd ay magbibigay ng P800-milyon para sa konstruksyon ng mga silid aralan at iyon naman ay tutumbasan ng katulad na halaga ng kapitolyo. 

Dahil dito, tinatayang aabot sa P1.6-bilyon ang gugugulin ng DepEd at kapitolyo para sa mga itatayong silid aralan sa lalawigan.

Para sa mga punong guro ng mga paaralang pampubliko sa lalawigan, ang pagtatambal ng DepEd at kapitolyo ay isang magandang kaganapan.

Sinabi niya na siya ay umaasa na madagdagan pa ang mga walong silid aralan na tinatayo sa MCIS, partikular na kung ito ay mapapabilang sa mga paaralang tutukuyin ng DepEd at kapitolyo.

Simple ang dahilan sa pagnanais ni Diaz na madagdagan pa ang silid aralan sa MCIS.

Ito ay dahil na rin sa umabot na sa higit 500 mag-aaral ang naunang nagpatala upang mag-aral ng high school sa MCIS sa darating na Hunyo.

No comments:

Post a Comment