Showing posts with label classrooms. Show all posts
Showing posts with label classrooms. Show all posts

Wednesday, April 17, 2013

Zero backlog sa classroom, target ng Bulacan sa Hunyo 2013



LUNGSOD NG MALOLOS, Bulacan -- Target ng pamahalaang panlalawigan at Department of Education (DepEd) ang zero backlog sa mga classroom pagsapit ng Hunyo ngayong taon sa pamamagitan ng pagtatayo ng 1,942 silid-aralan sa mga pampublikong paaralan sa Bulacan.

Mismong si Education Secretary Armin Luistro ang nag-anunsyo na ginugugol na ngayon ang halagang P800 milyong pondo para sa pagtatayo ng may 971 na mga silid-aralan sa lalawigan.

Ang nasabing bilang ay nagsisilbing counterpart ng pamahalaang nasyonal sa 50-50 Classroom Fund Sharing Scheme.

Sa sistemang ito, may hiwalay na P800 milyon ding inilaan ang kapitolyo para sa kapupunan ng mga silid-aralan na itatayo mula ngayong Enero 2012 hanggang ngayong Abril 2013.

Ayon kay Luistro, target ng administrasyong Aquino na tuldukan na ang kakulangan ng mga silid-aralan sa buong Pilipinas.


Sa puntong ito, ang Bulacan ay unang lalawigan sa bansa na pinagbabaan ng 50-50 Classroom Fund Sharing Scheme dahil nakapaghanda kaagad ang pamahalaang panlalawigan ng counterpart fund nito upang mabuo ang P1.6 bilyong pondo na kailangan upang makapagtayo ng inimbentaryong kakulangan sa mga silid-aralan. Shane Frias Velasco, PIA 3